Ni Rolando Tolentino
MANILA — Sa mga rebyu ng Melancholia, laging dinidiin ang kalungkutan na pumapaimbalot sa mga buhay ng tauhan, ng produksyon ng sining at katotohanan sa gitna ng matinding politikal na panunupil ng komersyal na cinema (negosyo) at ng gobyerno. Ang huling dalawa ang bumubuo ng estado ng bansa, ang black hole na humihigop sa lahat ng mga anak at mamamayan nito sa pagdalumat sa kolektibo at individual na buhay bilang kalungkutan.
Tatlo ang pangunahing seksyon ng Melancholia: ang una, sa Sagada, magtatagpo ang isang madre, bugaw at puta na pinag-ugnay ng nakaraan bilang naiwan ng politikal na pinaslang o inaasahang patay na; ang ikalawa, sa Maynila, ang bugaw ay naging publisher, ang puta naging prinsipal ng eskwelahan; at panghuli, sa gubat sa Mindoro, isang rebolusyonaryo, asawa ng puta sa una, ang mamamatay sa digmaan. May epilogo, ang paghahanap ng balo ng rebolusyonaryo sa kadiliman ng parke sa syudad.
Melancholia ang pakiwari sa panonood ng pelikula. Ang melancholia ay isang mental state, ng hindi lubos na pag-usad dahil nabalaho sa isang bagay (tao o pangyayari) na hindi makalimutan, ayaw ilibing ang patay. Kung gayon, melancholic ang Melancholia, mayroon itong hindi inililibing sa kolektibong kamalayan ng mga tauhan nito.
Paano maglibing ng isang desaparecidos? Walang bangkay pero hindi matuldukan ang pagkawala? Na ang bawat pangungulila ay paggunita sa kapasidad ng pag-alaala, na siyang binubura ng pagdanas ng politikal na pagpaslang o pandurukot ng estado sa mga aktibista at rebolusyonaryo nito? Ito ang kapasidad na makapaglikha ng alternatibong imahinaryo, kaya iniimpit ng estado ng nakaraan at kasalukuyan.
O ang mismong rebolusyonaryong proyektong nagbibigay ng radikal na lagusan sa lahat ng ito? Sinasaad ng pelikula, ang gitnang uring kalungkutan ng individual at kolektibo sa pakikibaka ang bumabalaho sa posibilidad ng pag-ungos ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ito o ang sikliko ng panunupil ng mga nanunungkulan sa gobyerno at interes ng negosyong higit na nakakapagtiyak ng kolektibong kalungkutan para sa dinudustang nakararami.
Ang proyekto ng Melancholia ay hindi ilibing ang patay. Ibuyanyang ito sa pamamagitan ng pagdanas ng epekto sa mga naiwang buhay, kung paano ito ay sustenidong pamana ng dekada at siglo ng panunupil ng estado. Tulad ng mga naunang pelikula ni Lav Diaz, polemikal ang paglalahad ng naratibo bilang bahagi ng mas malaking diskurso at pagninilay-nilay sa sining at politika.
Hindi kayang palitan ng identidad at lunan ang batayang pagkatao na dumadanas ng kalungkutan ng estado. Ito ang malawakang panahon at malalimang kasaysayang nagbibigay-epekto sa kolektibong pagkatao. Dala-dala ng mga tauhan, sa kaibuturan ng kanilang pagkatao, ang kolektibong kalungkutan ng estado. At ito ang malawakang self-reflexivity na undertaking ng mga pelikula ni Diaz: ang ating pinapanood (ang pelikula) ay ang dating na may sumpang hindi kailanman mapagpag-pagpag (ang mismong melancholia).
Hindi pagtunghay sa kalungkutan ang proyekto ng Melancholia. Kung ito, di sana ay nalungkot tayo sa panonood ng pito at kalahating oras na pelikula. Ito ang kanyang polemiko. Ang tinutunghayan natin ay ang filmikong produksyon ng melancholia ng mga tauhan bilang bukal ng identifikasyon sa melancholia ng manonood at mamamayan—na ang sinisiwalat na “katotohanan” sa pelikula ay ang referensiya sa historikal na katotohanan ng mamamayan.
Nananatiling natatangi ang mga pelikula ni Diaz dahil ginagawang kasiya-siya ang politikal bilang lagusan ng kontra-politikang kasiyahan laban sa estado ng gobyerno at negosyo. Sa kulturang popular ng malling, Facebook, 24/7 na estabilisymento para sa libo-libong call center agents sa bansa, nilulusaw ng estado ang politikal sa individual. Sa ritwalisasyon at rehimentasyon ng buhay, tinatanggap na lamang ang kalungkutan bilang batayan ng konsumpsyon at kasiyahan.
Na ang ibinubuyanyang na hibla sa Melancholia ay nasa rebolusyon ang katotohanan: figuratibo at literal na pakikipagdigma. Kung wala itong paninidigan, walang katotohanan sa sining at politikal, na gaya ng formulasyon ng pelikula, walang katotohanan maliban sa karanasan sa kalungkutan. Naghahanap lang tayo ng multong hindi mailibing sa kadiliman at kalawakan ng parke, mall, Internet at iba pang sityo ng dustang buhay.
This is another unofficial site for Lav Diaz, "...the great Filipino poet of cinema." (Cinema du reel, Paris).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment