ni Roland Tolentino
Kung bilang ang pagbabatayan, indie films na ang namamayagpag sa Pilipinas. Sila na ang bumubuo ng bulto ng output taon-taon, nananalo ng awards sa loob at labas ng bansa. Sila ang tinaguriang “shot in the arm” ng naghihingalong industriya ng pelikula.
Kung pagbabatayan ang ikaapat na Cinemalaya ng Hulyo 2008, ang 27,000 nanood sa higit sa 200 indie films ay nagbabadya na mayroon nang deboto, kundi man komunidad, ang indie films. Ito ang tunay na box-office draw sa elitistang persepsyon at katangian ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Ito lamang, maliban sa lingguhang pagtitipon ng El Shaddai, ang nakakapuno sa mga venue sa CCP. Indie films ang lumalabas na tunay na ideal market ng CCP—kabataan, culturati na may interes sa pag-unlad ng lokal na sining, willing tumangkilik, at higit sa lahat, magbayad. Ano pa ang hahanapin ng CCP?
Ang indie films ay nakalikha ng sarili nitong niche community. Niche pa lang ito dahil Metro Manila phenomenon, sa pangkalahatan, ang indie films. Bagamat mayroong pelikula mula sa rehiyon, mas ang itinatampok pa sa kompetisyon sa Cinemalaya ay ang sentrong nag-aaproba ng proyekto ng rehiyon o mga pelikulang may rehiyonal na flavor na pinondohan at nakakapasa sa panlasa ng sentro.
At dahil ang base ng komunidad—ang tumatangkilik—ay mga kabataang culturati na nakakapagbayad (kung gayon, gitnang uri na tulad din ng kasalukuyang audience ng lokal na sineng ang bayad ay P80 hanggang P140 kada tiket), hindi lamang sentrong phenomenon ang indie films, ito ay gitnang uring culturati na kaganapan.
Kumbaga sa pagsusuring pang-uri, ito ang pambansang burgesyang may interes sa pag-unlad ng lokal na industriya ng sining, kahit pa nga ito pinopondohan ng media na interes ni Tonyboy Conjuangco, ang patron ng Cinemalaya.
At kung ito ang katumbas ng pambansang burgesya, maliit ang bilang ng tumantangkilik ng indie films. Matapos ng apat na taon ng Cinemalaya, mabibilang ang indie films na nakapasok sa komersyal na venue, ang cinema complex sa malls. Tanging CCP, isang sinehan sa Robinson’s Galleria, at Cine Adarna ng University of the Philippines Film Institute ang may regular na programa ng screening ng indie films.
Ang empasis ng Cinemalaya sa naratibong pelikula ang nagpaunlad ng kasalukuyang “mainstream look” ng indie films. Kalakhan ng sampung pelikula sa kompetisyon ay mayroong diin sa narrative continuity at suture, tulad ng classical Hollywood narrative cinema.
Ang Boses (Ellen Ongkeko Marfil, direktor) ay epektibong nagpaagos ng luha sa manonood, kasama ako. Sino ang hindi maiiyak sa isang inabusong musmos na nakatuklas ng kapangyarihan ng musika ng biolin para makaagapay sa kanyang abang lagay? Na mula sa pagiging walang magawang biktima ng karahasan ng kanyang ama, siya naman ay naging willing na disipulo ng isang demanding na henyo, ngunit may mababang EQ (emotional quotient)?
Nawala na ang jittery movement na gamit ay mumurahing portable video camera. Napalitan na ng stilisadong off framing, panning at tilting movement para mag-simulate ng sinaunang dokumentaryo at new wave look. Sinadya na ang indie look, hindi nanggaling dahil sa indie mode of production.
Ang kinalabasan ay well-polished indie films, o indie films na may mainstream look. Ang tangi na lamang inaabanteng “indie spirit” ay ang paksa—batang inabuso at nakatuklas sa biolin, call center agents na inaanod (o nilulunod?) ng bagong buhay ng sunshine industry, sensualidad ng Ilonggo cuisine, at iba pa.
Wala na ang lingering camera movements ng poverty films at surrealist look na ang artist at manunulat ang pangunahing tauhan. Na-Hollywood-ized na ang indie films, o nagmistulang indie films sa U.S. na nag-aantay ma-pickup ng major studio. Na kaya na lamang indie films ang mga ito ay dahil hindi pa nga naipapalabas—bagamat kahit ngayon pa lang ay nangangarap na—sa komersyal na sinehan.
Sa awardings, nandoon si Mother Lily, ang anti-thesis ng indie films. Hindi nga ba’t si Raya Martin ay gumawa ng pelikulang misogynista at racista ukol sa pagkatupok sa “Mother Lily” character? Ano ang nangyari sa fantasy-ideal ng indie filmmakers na matupok ang Mother Lily-mainstream figure kung ang tunay na Mother Lily ay kabilang sa guest of honor ng pinakatampok na indie film festival sa bansa?
Ang mainstreaming ng indie cinema ay naghuhudyat ng reconciliatory position ng gatekeepers ng indie films—na may content na at kailangan na ng market. Sila na resulta ng pang-aapi ng mainstream cinema ay ngayon nag-aalok ng olive branch. Nakaka-touch, di ba? Pero dahil na rin hindi na nakakasapat ang CCP, Robinson’s at UP bilang venue. Kailangan nang makapasok ang indie films sa sinehan.
Kung gayon, ang kasalukuyang orkestrasyon ng indie films ay tungo sa mainstreaming nito. Naka-check na ang international awards. Muli nang nakapasok sa Cannes Film Festival Competition. Kailangan na lamang may manalo sa isa sa apat na first-tier festivals.
Naka-check na rin ang kabataang culturati—silang mga filmmakers ay ngayon ay audience. Kailangan na ng mas malakihang expansyon ng venue at market ng indie films. At hindi komunidad ng maralitang tagalunsod o unyon ang inaakalang venue nito. Ang oasis ng cinema complex sa tuktok na palapag ng malls.
May retransformasyon ng kultural na kapital ang kaakibat ng mainstreaming ng indie films. Ang dating indie filmmaker ay ngayon ay inaasahang maging astute marketers na rin ng kanyang pelikula. Kahit pa ang payo ng international programmers ay lumikha ng mga pelikulang orihinal, kakaiba at nanggagaling sa lokal na lipunan.
Sa 27,000 na nanood ng ikaapat na Cinemalaya, hindi iilan ang nangangarap maging filmmaker. Na hindi tulad ng writer na maaring gumawa ng akdang ibuburo niya sa pahina ng itinatagong journal, ang indie filmmaker, tulad ng blogger sa internet, ay may ini-imagine na publiko.
Siya na manonood ay umaasang maging manlilikha ng produktong mapapanood. Mayroong kultural na kapital ang indie filmmaker. Nakakapanghatak ito sa fantasisasyon ng nasa ibaba—ang kabataang culturati na makita ang sarili nilang ideal, at mahigitan ito sa matagalan.
Kahit pa ang indie filmmaker ay naglalayon maging mainstream. Na kung magpakaganito, siya na nag-iisip sa kanyang fantasya na nagsusunog kay Mother Lily ay siya palang nag-aalay ng bulaklak sa paanan nito, at nagpapakintab sa rebulto nito.
Kung magpakaganito, natupok na rin ang indie bilang kultural na kapital. Natransforma na ang kultural na kapital—anti-establisyimentong gamit sa pelikula, kontraryong bisyon sa sining, at pagtatanghal sa direktor bilang artist—at naging social capital na lamang ito.
Nakakaakyat na sa baitang ng mainstream at industriyang pampelikula ang indie filmmaker. Ang nagpakilos na rito ay hindi na dahil siya ay (ex-) indie filmmaker kundi kung sino na ang kanyang nakilala mula sa itaas na kaya ring maghaltak sa kanya sa higit pang panlipunan at pang-uring mobilidad.
Sa aking palagay, matapos ng ikaapat na taon, may krisis na ang indie films. Ang krisis ay sa pagbibigay-diin sa market—hindi pa audience na hindi naman nesesaryong nakakapagbayad—ng indie films. Ano ba yan?! Hindi ba nga nakakapaglakad ay nalulumpo na ang indie cinema.
Ang ginagawang pantawid para sa nilikhang kakulangan ng indie films ay ang pag-market ng pelikula. Kung ganito, pumaloob na ang indie films sa diskurso ng komersyalismo at industriya. Hindi iilang beses kong narinig sa mga nagsalita at filmmakers na “suportahan ninyo (manonood) ang indie films” na ibig sabihin ay bumili ng tiket at manood nito.
Imbis na isipin ang problema ay audience development, ang itinatampok na diskurso ay pag-penetrate sa palengke (market). Nagpapababa ito sa nakamit na kultural na kapital ng indie filmmakers—bilang propeta ng transformatibong sining. Kaya hindi rin kataka-taka na ang kalahating milyong grant mula sa Cinemalaya ay iniisip na kulang pa para makamit ang bisyon.
Nakadikit na rin ang estado sa Cinemalaya. Nandito ang karagdagang pondo at kredit sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) at National Commission for Culture and the Arts. Na ang bisyon ng filmmaker ay dumadaan na rin sa kapital, kundi man sa lente na rin, ng estado.
Kaya rin hindi ako nagtataka kung bakit wala na ang legacy ng social realism ni Lino Brocka at modernistang critique ng gitnang uri ni Ishmael Bernal. Nawala na ang politikal na filmmaking sa bokabularyo ng indie filmmakers. Ang piniling idioma ay halaw sa language ng mainsteam filmmaking.
Tanging ang indie filmmakers na piniling manatili sa laylayan ng laylayan (ang naunang posisyon ng Cinemalaya) ang may nalalabing bisang gamit ng kultural na kapital. Na tila nagsasaad ng sumpa: na kapag piniling maging (tunay na) indie filmmaker, kailangang magpakatotoo sa sarili, na ang sarili ay konektado, sa batayang antas, sa sining, at ang sining ay halaw sa lipunan.
Walang short cut dahil kina-cut short ng mainstreaming ng indie films ang pagpapanatili sa indipendiente at transformatibong sining. Kaya rin hindi kakatwa na CCP ang venue at host ng Cinemalaya dahil tunay na tagapagpadaloy ang institusyong kultural ng estado sa nesesaryong kondisyon ng pangangapital ng estado.
Parang harsh, di ba? Pero alin ang mas harsh: ang kooptasyon ng CCP sa indie films sa direksyong tinungo nito sa paanan ng kapital—may audience pero bawas na ang integridad; may puri pero dulot na ng pagka-pickup nito ng international film festival programmer (kahit pa kinuwestiyun din itong purposiveness ng indie films sa pagiging circuitable sa foreign art market)–o ang kawalan ng market pero may mas angkop sa mas maliitang niche audience na sabayang tumatangkilik at trinatrasforma ng sining?
Dalawang magkausap na representatibo ang boundary markers nitong huli. Sa isang banda, ang figura ni Lav Diaz na nagbukas at nagpanatiling bukas ng panibagong landas para sa indie filmmakers—ang pagtuon ng susing diin sa sining at politika ng pagsasaad nito para sa politikal na transformasyon, hindi man ng politika, kundi ng sining ng politika.
Sa kabilang banda, ang dokumentaryong politikal na film collectives na lumilikha ng indie films (hindi naratibo, hindi feature-length) para sa partikular na sektor ng kilusang masa. Politikal ang panuntunan ng sining at ang sining ay gamit sa politikal na transformasyon.
Ang ipinagkaiba ng nakapaloob sa dalawang markers na ito sa Cinemalaya ay ang politikal na intent sa indie filmmaking. Pinananatili ang politika ng sining at ang gamit ng sining sa politikal na transformasyon sa panuntunan ng mga figura ni Diaz at political film collectives. Nilulusaw na ito sa Cinemalaya.
Kapag mainstream, wala nang gamit ang kultural na kapital. Mismong kapital na ang impetu ng sirkulasyon ng pelikula, filmmaker at indie cinema. Kung gayon, pangangapital na turing ang mainstreaming ng indie filmmaking.
Kaya sa huli, ang tunay na indie filmmaking ay wala na sa kamay ng estado, kahit may aspekto pa rin ng paggamit dito (FDCP, halimbawa, sa pagbibigay ng pondo sa mga natanggap na pelikula sa dayuhang festivals, at siempre, ang pag-claim nito sa produkto bilang kanya na rin). Ang vanguards nito ay ay pagtungo sa pinakamalayong sulok ng estado, kung saan ito mahina at walang lubos na galamay sa pagpapatagos ng pangangapital nito. Kung saan ang tao ay pinakadahop ang kondisyong panlipunan, at kung gayon, pinakahinog para sa pagbabalikwas.
Ang tunay na indie cinema ay ang pagpanig sa tao at bayang mas nakapanig sa interes ng indie filmmakers, at kasangga sa paglaban sa estadong puno’t dulo ng malawakan at malalimang kaapihan nilang lahat. Ang tunay na indie films ay ang lumalaban sa interes ng estado, at nakakiling sa interes ng mamamayan.
Kaninong kwento ang ikinuwento at ikukwento mo? Alin rin kwento ang papaniwalaan at papanigan ng mamamayan?
from Bulatlat
Volume VIII, Number 26, August 3-9, 2008
This is another unofficial site for Lav Diaz, "...the great Filipino poet of cinema." (Cinema du reel, Paris).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment