This is another unofficial site for Lav Diaz, "...the great Filipino poet of cinema." (Cinema du reel, Paris).

Thursday, October 15, 2009

"Pula, Puti at saka Blu at marami pang Korol"

Ni Lav Diaz


Palanca Memorial Awards for Literature
Short Story

"Kahirapan ang pinakamasahol na uri ng karahasan."
-- Mahatma Gandhi


Nalulungkot lang siya kaya siya ganun, sabi ni Nenet, Dyong at Toto. Pero hindi siya umiiyak. Sanlinggo na. Hindi, siyam na araw na. Pansiyam ngayon.

Tapos na ang dusa. Tinapos niya. Pero naghihirap ang loob niya. Hindi siya matahimik.

Gusto niyang isiping tapos na, sa wakas, pilit pinaluluwag ang dibdib, pero hindi matapos. Matay man niyang gawin, naroroon pa rin, lumalambong, nangangamoy, nambubulahaw. Isang linggo na siyang lumilipad, hindi, siyam na araw na nga pala, pero kapit-tukong kinakalmot pa rin ang katinuan niya. Ayaw bumitiw, hindi kaya ng happenings.

'Yung amoy. Hindi niya makaya, hindi mabata. Sa kasusuka ay wala na siyang maisuka. Malapot na laway na lamang ang lumalabas. Yung amoy. Nakaangkla sa kasuluk-sulukan ng kanyang pangamoy, kahit patung-patong nang singhot ng solben. Parang tumitindi pa nga ang lansa.

Yung sigaw. Nakalulunos, nakapangingilabot. Kumintal na yata sa utak niya. Patuloy na umaalingawngaw. Sanlinggo na. Hindi, siyam na araw na. Ayaw siyang patulugin, kahit kunukulubot at tinutuyot na ng solben ang utak niya.

Magtatawanan sila. Bungi kasi, bulol, tanga, may luga pa.

Putsa.

Ano? Tutuhurin siya ni Dyong, babatukan ni Toto. Galit siya pero hindi siya lalaban. Paano, siya ang pinakamaliit, pinakabata. Si Dyong, dose na. Si Toto, sampu. Si Nenet, hindi sigurado pero kasinlaki niya. Maganda na. Lumalaki na ang suso. Mga susong gusto niyang hawakan at laruin tulad nang nasisilip niyang ginagawa ni Dyong kaya lang, kay Dyong talaga si Nenet, hawak na. Minsan nga, nakatulugan nina Dyong at Nenet na hubad sila. Nakita niya ang kabuuan ni Nenet. Gusto niyang gawin lahat ang ginagawa ni Dyong kay Nenet, halikan sa bunganga, laruin ang suso, papatong, kaya lang, magagalit si Dyong.

Noon, noong maliit pa siya, ganun din ang nakikita niyang ginagawa ng mga lalaking pumapasok sa kanilang tirahan sa iskwater, tulad ng ginagawa ni Dyong kay Nenet. Sa pagkakaalam niya'y parang gabi-gabi, iba-iba. Maghuhubad ang nanay niya tuwing may dumarating. Nakikita niya ang lahat. Bago 'yun magkasakit ang nanay niya.

Si Nanay mo, hindi nagmumulto?

Hindi.

Hala, ayan na'ng nanay mo! Takbuhan sila. Si Nenet, hindi makatakbo, nananakit ang katawan, pero magtatago rin. May kadiliman ang mga sinapupunan ng mga palapag kahit araw. Walang multo, kahit iwan n'yo ako, mabait si Nanay, mabait yun, sabi niya sa sarili.

Moooo! Hindi sa Nanay 'yun, boses ni Nenet. Awooo! Lalong hindi, nagboboses babae si Dyong. Plang! Klang! Nambato ng bakal si Toto. Dyug-dyug-dyug-dyug! Elarti. Dumungaw siya. Hayun, palampas na ang malaahas na sasakyan. Nasa ikalimang palapag siya, mataas ng dalawang palapag sa tapat ng riles ng elarti. Hahabulin niya ang tanaw ng elarti. Sayang, bumaba na ang tama ng solben. Maghapon kasi siyang nakabilad sa araw. Sayang, ang ganda sanang tingnan kung hay pa siya, kahit ganung wala pang ilaw.

Siya, sina Dyong, Nenet at Toto, ang siguro'y tanging nakaaalam na napakasarap pagtripan ang elarti lalo na kung gabing rumaragasa ito, puno ng ilaw at lumilipad sila sa solben. Minsan, akala niya ay uod itong kumikinang ng ilaw at puno ng mga nangungunyapit na linta na may sari-sariling korol. Mga lintang galing sa trabaho. Uuwi na sila. May mga buhay sila, e. Isip niya, ang sarap ng maging katulad nila, nakasakay sa kumikinang na uod na kapag ramaragasa ay nag-iiwan ng pula, puti, blu, orens at maraming, maraming bumibilog, tumutudla, bumubulusok, pumapailanlang, bumubulwak at kumikiwal na korol. Andaming korol! At yung sawns. Walang binesa ang disko sa Menudo. Pakiwari niya'y galing sa langit, mula sa kung saan-saan, dumadagundong, sumasayaw, nag-aanyaya, sumasabay, sumasaliw, umiiwas, lumalayo, lumalapit, sumisiksik, himihiyaw, lumalambing, parang duyan, parang oyayi na nais ihele at magupiling, parang agos na tumatangay, parang alapaap na kumakampay, kumakaway, naglalakbay, isang huning nanghahalina, nang-aakit, umaawit, parang... parang... wow!

Sinabi niya, ilang beses na nasabi na niya, na gusto niyang mamatay sa elarti. Anong sarap na makasama ang mga korol at sawns. Kesa basura, kesa kalsada, kesa tebi, kesa ketong, kesa sipilis, kesa apoy...!

Ginulat siya ng tatlo. Hahaha! Bungi! Tanga! Gago! Baliw! Putsa! Ano, kamo? Lalaban ka? Matapang ka? Ha? Tuhod. Tulak. Aray ko! Pero hindi siya lalaban. Maliit kasi siya.

Nagtitrip ka diyan e, bumaba na ang tama natin. Iiskor tayo mamaya. Iiskor ka pa.

Tinalunton ni Dodoy ang Abenida. Ayaw niya sa usok. Masakit sa ilong. Maingay, hindi niya gusto ng maingay, hindi sawns. Da bes yung elarti. Magulo, walang kuwentang panginorin. Hayun, yung mga neyong naglalaro at de korol, yun ang gusto niya rito tuwing kagampan ang dilim. Kaya lang, kulang sa galaw, kulang sa liksi, kulang sa hagibis. Gusto niya'y matulin, yung gusto mong habulin pero hindi mo makaya. Ganun ang elarti, ibang klase.

Pagtawid niya'y gahibla na siyang muntik na mahagip ng rumaragasang magarang kotse. Kagulo ang trapik. Putang-ina mong yagit ka! Magmura kayo. Wala na sa kanya yun. Yun ngang maghapong higa niya sa gitna o tabing kalsada, e balewala na. Tao, trak, dyip, greder, lahat umiiwas sa kanya, sa kanila. Kailanman ay hindi siya umiiwas sa mga sasakyan. Pag 'di ka umiwas, iiwasan ka. Pag umiwas ka, di sila iiwas. Pag walang umiwas, bahala na. Yun ang natutunan niya sa kalsada. Init at ulan, balewala na rin. Nababata na niyang lahat. Bahagi na yun ng kanyang trabaho, ng pakikibaka sa buhay. Magpupunas ng uling at alikabok, kung minsan putik, sa iba't ibang bahagi ng katawan, damit at syort na anyong basahan, hihiga sa kalsadang maraming nagdaraan katabi ang nakangangang lata. Hindi gaanong dusa kung kargado ng solben, magti-trip ka maghapon. Pag-asa ang bawat kalansing ng barya.

Pasok siya sa madilim at namumutik na iskinita. Doon sa pagawaan ni Kenet ng sapatos. Mas bukas ang puwesto niya pag gabi. Maraming umiiskor.

Uy, Dods, ano ba'ng atin? Kondolens uli. Ilan? Walong kutsara? Wow! Bigat n'yo ah, lumalakas kayo. Lasing si Kenet, may mga kainuman tulad ng dati.

Si Kenet, laging bundat ang tiyan, malaki na nga, hindi tama sa edad niya, trentahin pa lang siya, sobrang porma. Simple lang ang repersyap niya, maliit, pero nakakarating na siya sa Hongkong, Bagyo, at Dabaw. Marami siyang pera.

Hayan, may paamang binilot diyan. Okey ang iskor n'yo ngayon, e.

May balatong damo si Kenet. Mas gusto ni Dodoy ang damo kaya lang di pa nila kaya. Mas mabigat iskorin ang damo. Pero sabi ni Dyong, malapit na silang lumipat sa damo o maaaring shabu basta't palarin si Nenet, sila.

Yun. Kaya walong kutsara sila ngayon, nagsimula na yata ang suwerte ni Nenet kagabi. Pers taym na ipinarada siya ni Dyong sa Ermita, agad may nakanang Ostralyanong datan. Twenti dolars ang hatag. Nagpakabusog sa hamberger at kok sina Dyong, Nenet, at Toto. Si Dodoy, di kaya kahit anong sarap. Ayaw humiwalay nung amoy, nung sigaw. Bumili ng damit si Nenet sa Sentral Market, pati lipstick at pabangong emseben. Bumili rin si Dyong ng bayodyesek para sa lagnat ni Nenet. Hindi ito makagulapay paggising kaninang umaga. Sabi ni Dyong, pers taym kasi sa parener, kaya ganun.

Si Dyong, titigil na rin sa pagdapa sa kalsada. Paparada na rin sa parener ngayong gabi. Kung sakali, paparada na rin si Dodoy at Toto sa mga darating na gabi. Baka sakali, iiwan na nila ang kalsada tulad nina Bet, Warly, Kongkong, Perdi, Sali, Mimi…

Paparada na sila sa parener.

Habang papalapit si Dodoy sa inabandonang bilding, sumagi sa isip niya ang mga sinabi ni Dyong noon, noong buo pa ang gusali at nang masunog ito. Napakagandang bilding nito dati, labas-masok ang mga maayos na tao, yung magagara ang damit. Ni sa hinagap pa nga e, hindi niya inakalang isang araw e, magiging tirahan niya, nila ito, labindalawang palapag. Puro nga abo't uling pero ang laking panangga sa lamig at sakuna sa gabi. Minsan, noong buo pa ang bilding, ang lakas ng ulan, sumilong sila sa may pinto nito, doon na natulog, pero ipinagtabuyan sila ng guwardiya, tinutukan ng baril ang nguso ni Dyong nang umangal ito. Sinagasa nila ang ulan. Nilagnat si Nenet, ang taas, nagdiliryo ng ilang araw, akala nila mamamatay. Sabi ni Dyong, putang-ina, susunugin ko ang bilding! Isang araw nga, mga tatlong buwan na, nasunog ang gusali. Minsang langong-lango sila sa solben, sabi ni Dyong, siya ang sumunog. Pero walang naniwala sa kanilang tatlo. Ngayon, habang paakyat siya sa bilding, naitatanong niya, si Dyong nga kaya ang sumunog nito? Baka totoo. Siya nga e…

Ang tagal mo, a.

Kumakain sina Dyong, Nenet at Toto ng hamberger at kok na naman. May para kay Dodoy pero ayaw niya.

Talagang nagpapakamatay ka na, ano? Ang payat-payat mo na. Kalimutan mo na ang nanay mo. Patay na yun! O, kainin mo!

Ayaw. Buang na talaga! Yun ang sabi ni Nenet. Ang nabubuang daw, hindi kumakain nang matagal. Tapos, laging nakatungo, nakatanghod, tulala, nakanganga. Ganun si Dodoy. Naaawa si Nenet.

Pansiyam na ngayong araw, gabi, na halos di kumakain si Dodoy. Titikim lang ng konti, wala na. Sabi ni Dyong, pasiyam ngayon ng nanay mo. Basta pasiyam, nag-aalay ang mga namatayan ng pagkain, padasal, palaro. Nililimot ang kalungkutan ng pagkawala ng isang mahal sa buhay. Alam ni Dyong dahil istoawi siya galing sa probinsya. Ganun daw sa kanila kapag ika-siyam na araw ng patay. Kaya dapat huwag nang malungkot si Dodoy.

Walong kutsara ngayon ang solben natin. Magseselebreyt tayo sa pasiyam ng nanay ni Dodoy. Tulad sa probinsya namin. Tapos, tsibog tayo, ha, Doy? Ha?

Siyanga naman, Doy. Sige na. Selebreyt na!

Sige. Bahagyang ngingiti si Dodoy, unang guhit ng ngiti sa kanyang mukha sa loob ng siyam na araw, gabi. Pero sa loob-loob niya, kung alam n'yo lang na hindi sa lungkot kaya ako nagkakaganito… hindi!

Hating kapatid, ha, tigalawang kutsara tayo.

Ay, Dyong, di ba hihintayin tayo ni Mister Pol Hanikom sa Anito?

Alas diyes medya pa yun. Karga muna tayo. Maganda yung kargado ka para mawala yung sakit ng ulo mo at saka hindi hahapdi 'yang sugat. Alam n'yo bang sinabi ni Mister Pol Hanikom na kapag nakakita siya ng isang buong bahay na mauupahan, ititira niya dun si Nenet, kasama tayo, di ba sinabi niya, Net?

Oo, kaya lang… parang natatakot ako, e…

Ito ang langit para kay Dodoy. Mamumula ang kanyang mga mata, mangangapal at mamamanhid ang kanyang balat, maninindig ang kanyang mga balahibo, wari'y mamimimitig ang kanyang mga binti, nagiging maganda ang paligid, nagiging masaya, nagiging paraiso. Yung tambakan, nag-aanyong bundok ng ginto. Ang init ng araw, walang haplit, sumusuko. Ang lamig ng gabi, umaamo, nagiging kaulayaw. Lahat nang pagkain, maski panis, masarap, malinamnam. Nagiging maganda siyang lalaki, hindi sunog ang balat, hindi kinakalyo ang mga palad at apakan, hindi nagluluga ang kaliwang tenga, hindi nananakit ang mga bulok niyang ngipin, gumagara ang malabasahan niyang kasuotan, nagmimistulang anghel sa kagandahan si Nenet…

Si Nanay niya, masaya sa solben, matagal ding gumamit. Siya ang nagturo. Noon una, galit ito. Putang-yawa ka, Dodoy! Masama ang adik-adik. Pero nang dapuan ito ng tebi, pangangati ng katawan at nagsimulang mangayayat, sinubok ang solben, nasarapan ito, naiibsan ang dusa niya. Kaya tuwing uuwi siya, may pasalubong siyang solben at siopao sa nanay niya. Alam na nina Dyong ito.

Naikuwento na rin niya kay Nenet na wala siyang tatay. Galing ng Bohol si Nanay niya, yun ang sabi sa kanya. Hindi alam ni Nenet kung saan ang Bohol. Sabi niya, parte pa rin ng Pilipinas. Nakalakihan niyang may labas-masok na lalaki sa mga natirhan nila sa iskwater hanggang nang makabili ng munting dampa sa tambakan. Greyd wan lang siya. Wala nang lalaking lumapit sa nanay niya. Kailangan na niyang maghanap ng pambili ng pagkain at gamot ng nanay niya. Nang lumalala ang kanyang nanay, panahong nakilala niya sina Dyong. Sa kalsada na rin siya tumira. Ayaw na siyang patulugin ng nanay niya sa dampa. Baka raw mahawa siya. Maski ano'ng gawin niya, hindi niya kayang bilhin ang mga gamot.

Hindi na rin nanghingi ng gamot ang nanay niya. Solben na lang at siopao.

Kwento ka nga, Doy. Magaling kang magkwento, e. Sabi ni Nenet. Magkukuwento siya basta si Nenet.

Kwento yun ng nanay niya, sabi niya, paborito niyang kwento. Ngayon lang niya ikukuwento kay Nenet, kasama na rin sina Dyong at Toto dahil naroroon sila. Kwentong piritil daw, sinauna. Kwento ni Huse Lisar.

Anong Huse Lisar? Huse Risal!

Hagalpakan ng tawa sina Dyong at Toto. Utal, gago! Gusto niyang ma-bad trip pero magkukwento siya kay Nenet. At saka maliit siya, e, hindi niya kaya ang dalawa.

Yun daw kasing gamu-gamo, matigas ang ulo, yung anak, ha, hindi yung ina. Mag-ina, e. Sabi ng ina, mainit yang apoy ng ilaw na de gaas kaya huwag kang maglaro sa malapit na malapit dahil malapit ang aksidente dun. E, ito kasing anak, matigas ang ulo. Isang araw, naglikot siya, hindi sa ilaw kundi dun sa tenga ni Huse…

Risal, gago!

Tapos, sabi ni Nenet.

Di napaigtad si Huse…

Risal, gago!

Tapos…

Natabig ni kuwan yung ilawang de gaas at lumiyab yung mesa. E, sa ilalim ng mesa nakatira ang mag-inang gamu-gamo. Nasunog sila. A, hindi yung anak lang pala ang nasunog muna dahil naghahanap ng pagkain ang ina. Umiyak yung nanay nang malaman ang nangyari sa anak. Tapos, nagpakamatay siya.

Maiiyak si Nenet.

O, pinagtripan mo na naman iyong kuwento. Hindi naman nakakaiyak, e, kuwento ng katangahan iyon, e.

Ilang elarti na ang dumaan.

Wow, halos panabay nilang nauusal kapag may daraan. Natatahimik sila, ninanamnam ang sawns, ang korol.

Dyong, sumakay tayo ng elarti bukas, lambing ni Nenet.

Teka… sige.

Sama kami.

Oo. Pag may nakuha si Nenet mamaya kay Mister Pol Hanikom. Bibili tayo ng tig-isang teysert para hindi tayo nakakahiya.

Bukas na lang tayo pumunta kay Mister…

Ngayon na. Usapan, e.

Mahapdi, e…

Singhot ka nang todo para hay na hay ka, mawawala 'yan. Basta bukas, sasakay tayong lahat sa elarti.

Naalala ni Dodoy yung sinabi ni Dong, yung pagsunog ng bilding.

Oo, kasi ayaw n'yong maniwala. Akala ko kasi noon, mamamatay na si Nenet. Ang ginawa ko, humingi ako ng gas kay Nenet, di ba marami siyang gas na panlinis ng tumitigas na solbent? Yun, sabi ko para sa ilaw natin. Nakikita n'yo yung istasyon dun ng elarti? Dun, sumingit ako noong malapit nang magsara. Nagtago ako. Tapos, nung wala nang elarti, binaybay ko yung tabi ng riles. Pagtapat ko diya sa terd plor, binato ko yung salamin ng bintana. Dun ko ipinasok yung sinindihan kong basahan na babad sa gas. Huwag n'yong ikukuwento sa iba, ha?

Oo.

Dumalang ang elarti.

Magbihis na tayo, Net.

Atubili si Nenet, nakatingin kina Dodoy at Toto.

Halika na, magagalit si Mister Pol Hanikom, e.

Atubiling tatayo si Nenet, inaalalayan ni Dyong.

Kaya mo ba, Net, hindi na ba masakit ang ulo mo?

Kaya niya.

Doy, huwag ka nang malulungkot, ha? Bobolahin ko si Mister Pol Hanikom para may teysert tayo bukas, tapos sasakay tayo ng elarti at saka kakain tayo ng masasarap. Kumain ka na rin kasi…

Tatango si Dodoy. Umiika si Nenet. Parang gusto niyang pigilan kaya lang baka magalit si Dyong. At saka gusto niya sanang sabihin kay Nenet na hindi naman siya nalulungkot. Dapat nga, magluwag ang kalooban niya dahil lipas na ang paghihirap ng nanay niya. May gusto lang sana siyang ikuwento pa kay Nenet…

Hindi niya alam kung matatanggap ni Nenet. Baka magalit. A, kay Toto na lang muna. Kay Toto na lang…

Matapos bihisan ni Dyong si Nenet at magbihis din siya, lumakad na sila.

Pilit na inaaninag ni Dodoy si Nenet habanag paalis na sila ni Dyong hanggang sa nawala na ang mga ito sa may hagdan. Alam niyang ayaw ni Nenet na pumunta kay Mister… hindi niya mabigkas yung pangalan. Ayaw ni Nenet. Dati, gustung-gusto nito, pero matapos ang unang parada kagabi, narinig niyang nagreklamo si Nenet kay Dyong… hindi naman pala mabait ang parener.

Masasanay ka rin, sabi ni Dyong. Noong una nga, akala natin hindi natin kayang humiga sa kalsada na bilad maghapon, nauulanan pa nga tayo pero nakaya natin. Kaya.

Tuloy ang dyaming nina Dodoy at Toto.

Ikaw, To, asan ang nanay at tatay mo?

Ako… sabihin ko na sa 'yo ang totoo, Doy, wala rin akong tatay, puta rin ang nanay ko. Pero tumigil na.

Asan na siya?

Hindi ko alam. Iniwan niya ako, e. Sabi niya babalik siya. Hintay ako nang hintay dun sa tinitirhan namin dati sa Baclaran, pero hindi na siya bumalik. Putang-ina niya, galit ako sa kanya. Ikaw, Doy, hindi ka ba galit sa nanay mo?

Noon. Ayoko lang yung mga lalaking panay ang pasok sa bahay pag gabi. Ginagalaw nila si Nanay tapos sinisipa ako pag tumitingin ako sa ginagawa nila. Kunwari tulog akong lagi pag may lalaki sa bahay. Kawawa si Nanay…

Tutulo ang luha ni Dodoy. Ngayon lang siya umiyak, ngayong pasiyam. Maiiyak din si Toto.

Galit ako sa nanay ko… pero mahal ko din naman siya kahit na iniwan niya ako…

Madalang na madalang na ang elarti. Kargadong-kargado na sina Dodoy at Toto. Panay pa rin ang singhot nila ng solben. Banat hanggang sa kaya.

To, naniniwala ka ba kay Dyong na siya ang sumunog sa bilding na 'to?

Maniniwala ka rin ba na sinunog ko ang nanay ko?

Ano?

Sinunog ko si Nanay, To… sinunog ko siya…

Umiiling si Toto. Hindi mo yun magagawa sa nanay mo. Nanay mo yun, e. Hindi ako maniniwala!

Sinunog ko siya, To… sinunong ko yung bahay namin… dinurog ko muna siya ng solben, durog na durog… tapos, nung hay na hay na siya, binuhusan ko yung bahay ng gas… kay Nenet ko rin hiningi yung gas…

Putang-ina…

Kaya ako hindi makatulog, To… hindi ako makakain… hindi ko malimutan yung sigaw ni Nanay, saka yung amoy ng nasusunog niyang laman… ginawa ko yun kasi awang-awa na ako sa kanya… tuwing uubo siya, may dugo… yung katawan niya, puro nana at butas… nilalangaw siya… pag gabi, kinakain siya ng mga daga… putsa… putsa talaga…

Yuyugyog ang buong katawan ni Dodoy sa kanyang paghagulgol.

Mapapaatras si Toto. Magsusuka nang magsusuka, lalayo.

Samahan mo ako, To. Huwag mo akong iwan dito…

Ayoko na! Bad trip ka! Putang-ina! Tatakbo si Toto, lalamunin ng dilim.

Totodohin ni Dodoy ang pagsinghot sa solben, parang mauubusan, parang hinahabol, kailangan niyang mapuno, mawala para hindi mahabol ng amoy ng nasusunog na laman, ng nakalulunos na sigaw.

Kaginsa-ginsa'y may naulinigan siyang tunog, parang malayong sigaw? Hindi, sawns! Sawns nga! Hayun, tanaw niya ang papalapit na elarti. Andaming korol.

Tatayo si Dodoy, hahakbang sa hanggahan ng palapag. Sasakay ako sa elarti, mauuna ako sa kanila… hindi nila ako mahahabol. Guguhit ang ngiti sa kanyang mukha.

Bago tumapat sa gusali ang rumaragasang dambuhalang uod ay lumipad na si Dodoy… sa magpakailanman.

Wow.

Postcript:

Si Nenet, namatay sa impeksyon ng kanyang maselang parte.
Si Toto, nasa sentro ng rehabilitasyon para sa mga adik.
Si Dyong, inampon, sabi'y inasawa ni Mister Paul Honeycombe. Nasa Ostralya na sila.

1 comment:

RoynzBlog said...

wow i like this story parang yung story related sa mga taong nasa lansangan ng maynila this is really helpful to encourage people...

http://roynacastillo.blogspot.com
try to visit my simple blog and also
http://joyrideedge.blogspot.com