Ni Lav Diaz
Rasyunal sa iksi at kawalan ng image
Sa simula, dilim at titulo lang ang bubulaga, at hindi pa man nakakahikab, tapos
na. Dilim at titulo lang—Mindanao: a work-in-progress. Bagamat magkakaroon
ng ebolusyon ang installation. Sa durasyon ng exhibit, magkakaroon ng images,
padagdag nang padagdag. At sa huling lingo, maaaring isa nang buong pelikula
ang mapapanuod. Organic ang proseso ng installation. Gaya nang pagiging
organic ng proseso sa paghahanap ng kapayapaan at sagot sa problema sa
Mindanao—ginamitan ng lakas military mula pa kay Marcos (1971), panunuhol
sa mga lider Muslim (ilang bilyon na ang natapon), nakipagkape at wine si
Imelda kay Khadaffi sa loob ng tent sa disyerto sa Tripoli, nagtayo ng
autonomous region at yumaman at nakulong si Misuari, pinasasawsaw pa sa
usapin ang Malaysia, Indonesia at mga Arabo sa usaping dapat ay panloob
lamang, ang sirkus ng MOA na nauwi na naman sa pagdanak ng dugo.
Wala na sa kumbensyon ng Hollywood ang cinema. Malayo na ang cinema bilang
isang sining. Hindi lang negosyo ang cinema. At hindi lang ito naratibong
beginning-middle-end. At kailangan bang maraming dekorasyon o maingay ang
isang installation para magmukhang magaling? Hindi ba mas mahalagang
tingnan ang diskursong inihahain ng isang obra?
Sa nag-iisip, maliwanag ang sinasaad ng Mindanao: a work-in-progress. At kung
nag-iisip nga ang titingin, napakahaba at tila walang katapusan—matagal nang
work-in-progress ang Mindanao, at hindi pa nakikita kung saan hahantong ang
lahat, kung saan matatapos ang mga diskurso at tunggalian. O, may katapusan
nga ba ang masalimuot na isyung Mindanao?
Sabi nga ng isang Muslim na datu sa amin sa Maguindanao kung tatanungin mo
kung hanggang saan ang kanyang lupain: “Taman sa mailay ningka.” (Hanggang
sa abot ng paningin mo.)
Pyudalismo
Ang pangungusap na ito ng datu ay isang katotohanan sa Mindanao. Isang
pundamental na isyu ang pyudalismo sa Mindanao, lalo na sa mga pook na
kinasasangkutan ng mga tinatawag nilang sigwa ng Muslim-Kristiyano, o sa mas
malawak na diskurso ng pulitika at ideyolohiya, ang rebolusyon ng Bangsa Moro.
Sa kakulangan ng cultural/sociological/historical perspective ng mga tinatawag
na nasasangkot sa usapin sa sigwa sa Mindanao, tila hindi lumilitaw ang isyu ng
pyudalismo. Mahirap ipaliwanag kung bakit hindi nagagalaw ang isyung ito.
Kulang nga ba sa kaalaman ang mga henyo ng gobyerno sa isyung ito?
Tinatalakay ba ng Moro National Liberation Front ang isyung ito? Pinag-uusapan
ba nila ang pagwasak sa pyudalismo bilang isa sa mga malalaking sagot para sa
kapayapaan sa Mindanao?
Sistemang Datu
Saglit tayong bumalik sa kasaysayan ng arkipelagong ito, na ngayo’y tinatawag
na bayang Pilipinas.
Mayroon tayong tinatawag na pre-Mohamedan at pre-Hispanic period. Ito’y
noong panahong purong Malay at aborigines pa ang mga isla.
Ang pre-Mohamedan period ay ang panahong hindi pa nagiging Muslim ang mga
tribung Maranao (Lanao), Maguindanao (sa dating Cotabato na ngayo’y nahahati
na sa mga probinsyang Maguindanao, North Cotabato, South Cotabato, Sultan
Kudarat at Sarangani) at Tausog (Sulo, Basilan, Tawi-tawi). Ang mga tribung
Maranao, Maguindanao, Tausog at ilang bahagi ng mga Badjao ang mga unang
tinatawag na ‘conquered tribes’ sa arkipelago sa isyu ng relihiyon. Sila ang mga
naging Muslim na mga tribung Malay sa arkipelago. At kung totoo nga, at hindi
pa naman napapatunayan, ang ilang Tagalog sa bahaging Tondo na sakop noon
ni Rajah Soliman, ay naging Muslim din. Isang Rajah din daw sa isang balangay
(barangay) sa bahaging Tarlac kasama ng kanyang nasasakupan ang naging
Muslim. Ang mga Muslim na nananahanan ngayon sa dulong timog ng Palawan
ay sinasabing mga migrasyon mula sa Sulu, Tawi-Tawi at Basilan.
Bago pa man dumating ang mga misyunerong Muslim sa Mindanao, kultura na
ng mga Malay ang sistemang Datu. Ang kultrang ito ay umaabot sa buong
kapuluan ng naging Pilipinas, hanggang sa mga Malay sa mga bayang tinatawag
ngayong Indonesia, Malaysia at Brunei. At ang sistemang ito ay napanatili
hanggang sa kasalukuyan sa mga tribung yumakap sa relihiyon at paniniwalang
Muslim o Islam. Nawala ang sistemang ito sa mga Malay sa arkipelago na naging
Kristiyano o Katoliko. Bagamat ang pyudalismo naman ay nananatili pa rin
(hindi nga ba’t may CARP o programang land reform ang gobyerno para ayusin
daw ito?).
Maguindanao
Isang particular na kaso ang probinsiya ng Maguindanao. Ang malawak at
mayamang probinsiyang ito ay nobenta porsiyentong Muslim ang papulasyon at
iilang datu lamang ang nagmamay-ari ng mga lupain. Ang mga tradisyunal na
mga datu dito ay ang mga pamilyang Sinsuat, Piang, Paglas, Ampatuan,
Dilangalen, Matalam, Pendatun. Napanatili ng mga pamilyang datu ang kanilang
kontrol sa malalawak na bahagi ng probinsiya hanggang sa kasalukuyan.
Malaking bahagi ng papulasyon ay mga nasasakupan pa rin ng mga datu.
Lumaki ako sa isang bayan ng Maguindanao na apat na pamilyang datu lamang
ang nagmamay-ari ng napakalalawak na mga lupain. Karamihan nang mga
Muslim ay tagasunod at tauhan lamang ng mga datu. May ilang Muslim naman na
may maliliit na lupain. Ang mga Kristiyanong nahalo, katulad namin, ay mga
settlers na bumili ng lupain mula sa mga datu. Sa kabundukan naroon ang mga
Bilaan. Noon pa man, nakikita ko na ang katotohanang sa mga pook na pyudal–
labis-labis ang kahirapan. Marami akong kababata at kaibigang Muslim. Sa
panahong nag-aaral kami sa elementarya, sa paaralang itinayo ng aking mga
magulang, marami sa aking mga kababatang Muslim ang pumapasok na wala
man lang tsinelas o sapatos. Kasama na ang kawalan ng maayos na pananamit. At
kawalan din ng makain o ng tamang pagkain. Marami rin akong kababatang
Kristiyanong ganito ang kalagayan. Bagamat napansin ko noon pa man ang
kaibahan ng mahirap na Muslim at mahirap na Kristiyano. Ang mahirap na
Kristiyano, ilang panahon lang ay umaayos ang buhay dahil nagkakaroon sila ng
pagkakataong baguhin ang kanilang kalagayan kapag nagkakaroon na sila ng
lupain. Samantalang ang mga mahihirap na Muslim ay tila nananatili sa kanilang
kalagayan. Nakita ko ang ugat ng suliraning ito—wala silang lupain o walang
pagkakataong magkaroon ng lupain. Migrasyon ang naging solusyon ng ilan.
Gaya ng maraming mamamayan, pagpunta sa mga kalunsuran at ibang bansa ang
kasagutan.
Dialektikal
Kung pag-aaralan ang mga isyung tinatalakay hinggil sa suliranin sa Mindanao,
mula pa noong panahon ni Marcos hanggang ngayong panahon ni Aroyo,
kapuna-punang hindi man lang natatalakay ang pyudal na sistemang ito.
Iniiwasan ba ito? O sadyang hindi nila napapansin. Kung iniiwasan ito, lalong
walang pupuntahan ang mga diskurso dahil isa itong katotohanan na dapat
harapin. At kung hindi napapansin, malaking katanungan ang katapatan ng mga
nasasangkot—mga tao ng gobyerno, komunidad at ng MILF.
Kung diskurso ng emansipasyon ng mga mamamayang Muslim sa Mindanao ang
usapin, marahil pinakamalaking isyu ang pyudalismo.
Ito ang malaking katanungan na dapat iharap sa mga nasasangkot, sa komunidad
ng mga Muslim, sa MILF at gobyerno:
Kaya bang buwagin o wasakin ang sistemang Datu?
Sa dialektikal na aplikasyon, narito ang sagot dito:
Buwagin at wasakin ang sistemang Datu.
Kung may pagbabagong dapat maganap sa pook ng mga Muslim sa Mindanao, ito
ang isa sa mga unang hakbang. Kung may rebolusyong dapat maganap sa pook
ng mga Muslim sa Mindanao, ito ang isa sa mga dapat gawin. Harapin na ang
katotohanang ito. Itigil na ang mga pseudo-intelektuwal at pseudo-political na
sirkus ng mga diskurso. Pseudo-intelektuwal ang karamihan ng diskurso dahil
masalimuot o wala namang katalinuhan ang inihahain nilang mga retorika at
resolusyon. Pseudo-political ang karamihan ng diskurso dahil hindi naman
nasasangkot ang kamalayan ng nakararami at lihis sa katotohanan ang mga
retorika at agenda ng mga partidong nasasangkot.
At kung iaangat natin sa antas ng macro-political ang isyu ng pyudalismo, ito rin
ang pundamental na suliranin ng kabuuan ng Pilipinas mula’t mula pa.
Ang totoong rebolusyon sa bayang ito ay ang emansipasyon ng mamamayan sa
kahirapan. At pagwasak ng pyudalismo ang isa sa mga pinakamalalaking
hakbang patungo rito.
Ang rebolusyong kultural naman ng sining ay dapat tumugon sa pagwasak sa
kamangmangan ng nakararami sa mga pundamental na isyung kinasasangkutan
ng kanilang kalagayan, at ng kalagayan ng bayan. Responsibilidad mula sa mga
alagad ng sining ang hinihingi ng pahanon para makapag-ambag sa pagpapalaya
sa kamalayan ng bayan. Dito nasasaad ang pananaw ng bagong cinema. Ito ang
aking tugon sa eksibisyung Designing Peace: The Role of Imagination in
Conflict Resolution.
Note: Palalawakin ang mga isyung ito sa susunod na pagtalakay natin ng konsepto ng ilang bahagi ng Mindanao bilang isang Bangsa Moro, ng konsepto ng Pilipinas bilang isang bayan ng mga Pilipino, ng konsepto ng demokrasya sa Pilipinas, ng konsepto ng Pilipino bilang isang nasyon. May Bangsa Moro nga ba? May bayang Pilipino nga ba? May tinatawag na bang nasyon ng Pilipino? May tamang pangunawa ba tayo sa tamang kahulugan ng pulitika, ng demokrasya? Bakit kulang sa dialektikal na pananaw ang mga diskurso?
Written by Lav Diaz as a rationale to his participation to the La Salle University installation, Designing Peace: The Role of Imagination in Conflict Resolution
This is another unofficial site for Lav Diaz, "...the great Filipino poet of cinema." (Cinema du reel, Paris).
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment